It is forcast to be Partly Cloudy at 11:00 PM PHT on October 31, 2014
Partly Cloudy
32°/25°

BERT at BEPC, Tinipon Para sa Usaping Pangkalikasan

Upang lalong matugunan ng buong lalawigan ang mga problemang pangkalikasan hinaharap nito ngayon, magkasamang tinipon ang Batangas Environment Response Team (BERT) at Batangas Environmental Protection Council (BEPC) noong ika-18 ng Hunyo sa Hotel Pontefino, Batangas City.

Sagip Kalikasan – Sa pagpupulong ng BERT at BEPC sa Hotel Ponte Fino, masusing pinag-usapan nina Gov. Vilma Santos Recto at Mr. Romeo B. Trono, Country Director ng CI-Phils. ang mga aksyong maaari nilang pagtulungan para sa pangangalaga ng kalikasan lalo’t higit ang mga baybayin at karagatang mayroon sa Batangas. .

Sa pangunguna ni Batangas Governor Vilma Santos Recto, muling nilatag ang usapin ukol sa malawakang fish kill sa Lawa ng Taal na bukod sa isang “natural phenomenon” ay resulta na ng kapabayaang dapat ay sinusukol agad.

Inilahad din ng gobernadora na ang lalawigan ng Batangas ay biniyayaan ng mayamang kapaligiran na nararapat lang bantayan at pangalagaan. Mahigpit niyang tinututukan ang malaking katungkulan na kanyang ginagampanan bilang chairperson ng BERT at BEPC para mapagtibay ang kanyang pangangasiwa sa “Integrated Coastal Management (ICM)” ng Batangas.

Dalawang batas na ang muling pinagtuunang pansin ng mga dumalo sa pagpupulong na ito – ang Provincial Ordinance No. 005, Year 2008 at ang Executive Order 2011-02. Ang mga ito ay naglalayong paigtingin ang mga mekanismo at istratehiya sa pangangalaga ng katubigang panloob, baybayin at maging sa karagatan.

Naglatag din ng mga plano at programa ang Partnership on Environmental Management for the Seas of East Asia (PEMSEA) sa pamamagitan ni Professor Raphael P.M. Lotilla, ang Executive Director ng PEMSEA Resource Facility. Idinagdag din ni Mr. Romeo B. Trono, Country Director ng Conservative International-Philippines (CI-Phils.) ang kanilang mga panukala hinggil dito. Hindi rin nagpahuli ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) sa paghaharap ng mga konkretong mungkahi para sa kanilang kinasasakupan.

Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang panlalawigan at nasyonal na nakatutok sa pangangalaga ng kalikasan kasama na rin ang mga alakade ng mga bayang nasa baybay dagat at kinatawan ng ikalawang distrito na si BM Christopher De Leon na chairperson ng Committee on Environment ng Sangguniang Panlalawigan.

(Kristina Marie Joy Andal – PIO)
(Photo by Millicent Ramos– PIO)

Speak Your Mind

*

More in Newspapers and PIO, PIO Batangas Capitol (50 of 85 articles)

Our weather forecast is from Wunderground for WordPress